CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinaliwanag ni dating Cagayan de Oro City Councilor Atty. James Judith na patuloy pang inilalatag ng panig ng prosekusyon ang pundasyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, partikular sa pagtutok sa Article 1.

Bagama’t naipakita na ang paglabas ng milyun-milyong piso mula sa Landbank, binigyang-diin niya na kailangan pa ng mga saksi na makapagpaliwanag sa mekanismo ng confidential fund upang mapatibay ang kaso, kabilang ang kontrobersyal na pangalang Mary Grace Piattos.

Dagdag pa niya, tama ang obserbasyon ni Senator Ping Lacson dahil hindi pa natutukoy sa paunang testimonya nina Violeta Constantino at Nenita Camposano kung may iregularidad sa OVP.

Dahil dito, malaking hamon pa ang kinakaharap ng prosekusyon sa mga susunod na araw upang maikonekta ang mga transaksyon sa alegasyon na hindi ginamit sa tamang layunin ang pondo.