Ipinanawagan ng progresibong grupo ng mga kabataan ang pagbawi sa 2027 national budget at ang pagbibigay ng tamang pondo para sa serbisyo ng kabataan at ng taumbayan.

Ipinahayag ni Youth Rage Against Corruption National Convenor Joaquin Buenaflor na pinrotestahan nila ang pagpasa ng naturang badyet sa Kapulungan ng mga Kinatawan dahil sa pagtatapyas ng pondo sa edukasyon at kalusugan sa gitna ng bilyon-bilyong iginawad sa flood control.

Dagdag pa ng opisyal, ang pagpapatuloy ng mga discretionary at lump-sum funds sa mga lokal na pamahalaan ay isang malinaw na paghahanda ng administrasyon para sa darating na eleksyon.

Dahil dito, nanawagan ang samahan sa tunay na serbisyo publiko at sa pagtatanggal ng lahat ng uri ng pork barrel.