Binatikos ni Professional Criminologists Association of the Philippines (PCAP) National President Dr. Gerry Caño ang pahayag ni NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Calinusan ukol sa pagbabawal sa pagpapakuha ng eksamen sa mga criminology intern na mahuhuli sa traffic violations.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni Caño na isang diktador na paraan at labag sa batas ang naturang deklarasyon dahil sa pagwawalang-bahala sa presumption of innocence at due process ng mga estudyante.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi pwedeng piliin lamang ang mga huhulihin dahil labag ito sa equal protection of laws lalo na kung mismong ang ilang lungsod ay nagbabawal din sa paggamit ng helmet.
Hamon ngayon ng lider ng PCAP sa tanggapan ng NAPOLCOM na pagnilayan at igalang ang batayang karapatan ng mga estudyante at huwag magmalabis sa kapangyarihan.











