Inihahanda na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro ang pagtanggap sa mahigit walong daang (800) delegado para sa nakatakdang 30th Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) National Convention mula Nobyembre 10 hanggang 13 sa lungsod.
Ibinunyag ni Mayor Rolando “Klarex” Uy sa Flag Raising Ceremony sa City Hall, na isang malaking oportunidad at karangalan ng lungsod na palaging piliing lugar para sa mga pambansang pagtitipon ng mga opisyal ng pamahalaan.
Nanawagan din ang alkalde sa mga opisyal ng lungsod sa pagkakaisa at pagbibigay ng sapat na panahon sa pag-aasikaso at paglilingkod sa mga bisita upang mapanatili ang dangal ng Cagayan de Oro bilang “City of Golden Friendship”.
Ang naturang malaking kombensyon ay pangungunahan ni Vice Mayor Jocelyn “Bebot” Rodriguez kasama ang 21st City Council, na magdadala ng temang “One Legislature, One Digital Future” kung saan ilulunsad din ang eLegis Reference System upang mas palakasin ang digital na pagtutulungan ng mga lokal na lehislatura sa buong bansa.











