Kinuwestiyon ni dating PHIVIDEC Industrial Authority Administrator Pompee La Viña ang takbo ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte kung saan ipinahayag ng dating opisyal na umiikot-ikot lamang ang kuwento sa mga pagdinig.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinunyag ni La Viña na ilan sa mga senator-judge ang tila naging mga prosecutor na nakatutok sa mga tsismis imbes na magsilbing patas na hukom.

Dugtong ng dating opisyal na nag-aaksaya lamang ng panahon at pondo ng gobyerno ang naturang paglilitis na dapat sana ay ilaan sa pagresolba sa pagtaas ng presyo ng langis, inflation, at epekto ng El Niño na kinakaharap ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag din ni La Viña na hindi dapat balewalain ang impeachment dahil nangangahulugan ito ng pagwawalang-bahala sa boses ng mahigit 32 milyong botante na nagluklok sa bise presidente sa katungkulan.