Binatikos ni dating PHIVIDEC Industrial Authority Administrator Pompee La Viña ang paggamit ng prosekusyon sa credit card transaction ng asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio bilang ebidensya sa impeachment trial.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni La Viña na normal lamang ang paggamit ng credit card sa pagbili ng sapatos para sa mga miyembro ng basketball team imbes na magdala ng malaking cash.

Idinagdag ng dating opisyal na bilang isang abogado, kayang-kaya ni Carpio ang naturang halaga mula sa isang retainer fee at walang dahilan upang diktahan ito kung saan gagastusin ang sariling pera para sa donasyon.

Ipinahayag din ni La Viña na nagpapakita lamang ito ng pagiging frustrated ng prosekusyon dahil walang matibay na ebidensya na makatitinag sa suporta ng taumbayan kay Bise Presidente Sara Duterte.