CAGAYAN DE ORO CITY –Inaakusahan ngayon ng kontrobersyal na si Atty Jude Sabio si dating Senator Antonio Trillanes na umano’y tumanggap ng P500 milyon pondo para isulong ang reklamo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands.
Ito ang kasagutan ni Sabio sa unang akusasyon ni Trillanes na siya’g nagpagapang at nagpagamit dahilan na bumaliktad sa ICC complaint laban kay Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Sabio na umano’y nagkunkunwari ang grupo ni Trillanes na walang pera upang kaawaan sa kanilang tinahak na hakbang para makalikom ng pondo upang habulin si Duterte sa usaping extra judicial killings sa bansa.
Inihayag ni Sabio na malaking kasinungalingan rin ang ipinakalat sa kampo ng taga-oposisyon na siya’y nagagapang ng Duterte forces dahil kailanman ay hindi nga nito personal na kilala ang pamilya ng pangulo.
Una nang sinabi ni Trillanes na kahit umalis pa bilang complainant si Sabio laban Duterte ay hindi ito makaka-apekto dahil marami pa namang naghahain ng katulad na reklamo sa ICC.
Patunay lamang umano ito na natitinag na ang puwersa ni Duterte kaya ginamit si Sabio.