Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cagayan de Oro sa pamamagitan ni Chief Intelligence and Investigation Fire Inspector Mary Ranelie Ladrillo Salga na isang malaking innovation sa pagpuksa ng apoy ang inisyatibo ng mga Lokal na Pamahalaan sa pagbili ng mga mini fire truck na nagkakahalaga ng 10 milyong piso para sa mga barangay.

Ipinaliwanag ng opisyal na may kapasidad na 1,800 litro ang naturang sasakyan na kayang magbomba ng anim hanggang walong minuto habang mabilis na nakapapasok sa mga makikitid na kalsada at sulok ng komunidad.

Idinagdag ng opisyal na magsisilbing penetrator at first responder ang mga unit upang mabilis na makaakto sa sunog habang patungo pa ang mga malalaking fire truck ng tanggapan.

Dahil sa inihandang proyekto, pinatunayan ng BFP na malaki ang maitutulong ng inisyatibo upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.