CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang lider at isang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa nangyaring engkwentro sa Barangay San Rafael, Talakag, Bukidnon.

Ito’y matapos nakasagupa ng 65th Infantry (STALWART) Battalion at 9th Infantry (SPEAR) Division (65IB) ang mga miyembro ng Squad 1, Platoon 1, Sub Regional Committee 5 (SRC 5) sa ilalim ng North Central Mindanao Regional Command (NCMRC) kung saan tumagal ng 10 minuto ang bakbakan.

Narekober ng militar ang bangkay ng dalawang NPA kung saan isa nito ay kinilalang subordinate leader ng grupo.

Kasama rin sa mga narekober ang dalawang (2) M16 at isang (1) M-14 rifle.

Samantala, sumuko naman sa mga pulis ang mag-ama na miyembro rebeldeng NPA sa may Barangay Besigan, Cagayan de Oro City.

Kinilala ang mga sumuko na sina Abner Suminang alyas Aden, 51 -anyos at Stephine Suminang alyas Kaloy, 27-anyos na kapwa residente ng Talakag, Bukidno at miyembro ng Guerilla Front (GF) 12 CNT.

Bitbit sa kanilang pagsuko ang (1) unit 30 Caliber GARAND Rifle (semi-automatic) at isang (1) Calibre .45 M1911A1 Automatic Colt Pistol (ACP).