CAGAYAN DE ORO CITY (update) -Kinumpirmar ng Bukidnon Provincial Police Office ang pag-ambush ng mga police escort ng isang heneral mula Eastern Command sa bahagi ng Tikalaan – Dominorog, Talakag highway, probinsya ng Bukidnon, kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro kay Police Lt. Col. Silvestre Asiong Jr., kinumpirma nito ang naganap na ambush subalit tumanggi muna itong magpahayag kung sinu-sino ang involve sa nasabing ambush.
Base naman sa sketchy report na natanggap ng himpilan, naganap ang krimen alas 6:40 ng umaga kung saan pinaulanan ng bala ang security escort ni Eastern Command General Joselito Salido.
Ang mga escorte umano ng nasabing heneral ay pinangunahan ni Police Captain Ramil Gighe, kasama ang tropa ng 1st Team 2nd Platoon,1st Bukidnon Police Mobile Force Company security escort para sa Team Directorate for Integrated Police Operations Eastern Mindanao Command.
Kung matatandaan, taong 2019, ang naganap rin sa nasabing highwat ang madugong pag-ambush sa mga kapulisan ng Bumbaran MPS ng PNP BARMM.
Matapos matanggap ng mga otoridad ang report, mabilis na nagpadala ng karagdagang augmentation ang Police Regional Office 10 katuwang ang kanilang counterpart mula sa 4ID Philippine Army para sa gagawing clearing operation at imbestigasyon sa nasabing insidente.
Sa ngayon, hindi pa ma-ikokonfirm ng PNP ang report na may dalawang pulis ang nasawi at dalawa pa ang sugatan.










