CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ng pulisya ang dalawa sa limang miyembro ng kilabot na grupong Perez Robbery Organized Syndicate habang nang-agaw umano ng baril mula sa pulis na magdadala sana sa kanila sa Misamis Oriental Provincial Jail sa Cagayan de Oro City.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Misamis Oriental PNP Director Col Robert Roy Bahian na kinilala ang mga suspek na sina Mickey Abellana na taga-Tangub City,Misamis Occidental at Richardson Perez na taga-Cebu City.

Inihayag ni Bahian na nais papunta na sana ang mga ito sa Cagayan de Oro City upang pansamantala ikulong sa provincial jail subalit bigla umanong nang-agaw baril ang isa sa mga suspek kaya agad napigilan ng police escorts.

Subalit dahil hindi na umano paawat ang mga suspek ay napilitan ang mga pulis na idepensa ang kanilang mga sarili at napuruhan ang mga ito.

Sina Abellana at Perez ay kasamahan nina Jephone Fabriga Tinamisan na taga- Ozamiz City at alyas Bulaw na unang napatay ng otoridad dahil nakipag-barilani.

Sa ngayon,nasa punerarya ang mga bangkay ni Abellana at Perez habang pinaghahanap pa ang isa nilang kasamahan na hindi pa nahuli simula nang makatakas noong nakipag-barilan sa mga pulis sa bayan ng Libertad ng lalawigan noong Lunes ng gabi.