CAGAYAN DE ORO CITY – Inaalam ngayon ng pulisya kung ano ang dahilan sa naging kamatayan ng kontrobersyal na umanoy nasa likod ng organized illegal drug syndicate na si detained former Ozamiz City Councilor Ricardo ‘Ardot’ Parojinog sa loob ng kanyang selda ng Ozamiz City,Misamis Occidental.

Ito ay matapos kinompirma ni Police Regional Office 10 spokesperson Lt Col Mardi Hortillosa ang pagkasawi ni Parojinog habang naka-local custody sa Ozamiz City.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Hortillosa na tinungo ng mga personahe ng Scene of the Crime Operatives (SOCO-10) ang lugar para alamin kung ano ang sanhi ng biglaan na pagkasawi ng akusado.
Inihayag ng opisyal na hindi pa sila makapagbigay ng karagdagan na pahayag hangga’t wala pang official findings ang mga imbestigador kung paano nangayari na biglaan ang pagkamatay ni Parojinog.
Si Ardot ay kapatid ni late Ozamiz City Mayor Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog Sr na nakatakas noong ikinasa ni dating Ozamiz City Police Station commander Lt Col Jovie Espenido ang madugo na anti-drugs operation alinsunod sa unang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 30,2017.
Magugunitang nahaharap ng patung-patong na kasong kriminal si Ardot bago ito naaresto habang nagtatago sa bansang Taiwan noong Mayo 2019 dahil sa nangyari kay Aldong na napatay sa grupo ni Espenido.
Napag-alaman na ang mga Parojinog ay unang binansagan na nasa likod ng Kuratong Baleleng Gang kung saan utak umano ng high profile criminal cases tulad ng bank robberies,illegal drug trade at gun for hire activities sa ibang bahagi ng bansa.










