Malaking sampal sa soberanya ng Pilipinas ang iginigiit ng Amerika na hindi ipatutupad ang lokal na batas sa loob ng itatayong Pax Silica hub tulad ng dating base militar sa Clark at Subic.
Ibinunyag ni dating Bayan Muna Representative at Bagong Alyansang Makabayan leader Attorney Carlos Isagani Zarate na itinago sa publiko ang buong kasunduan at idinaan lamang sa Department of Trade and Industry upang pagtakpan ang militar at pampolitikang layunin nito.
Bukod sa paglabag sa karapatan ng bansa, iilan lamang na manual labor ang makukuha ng mga Pilipino dahil puro teknikal at makinarya na ang mamamahala sa operasyon ng naturang pasilidad, paliwanag ni Zarate.
Pagmamalaki lamang ang pangako ng administrasyon na mapauunlad nito ang ekonomiya habang nananatiling kulelat ang Pilipinas sa rehiyon sa kabila ng matagal nang pagsandig sa dikta ng Estados Unidos.











