Sa pagbukas ng 66th Palarong Pambansa 2026 sa Prosperidad, Agusan del Sur, binigyang-diin ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo Jr., bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mahalagang papel ng sports sa paghubog ng disiplina, teamwork, at tiwala sa sarili ng kabataan.

 Ayon sa kanya, ang Palaro ay hindi lamang paligsahan kundi isang pagdiriwang ng talento, sipag, at husay ng mga student-athletes mula sa iba’t ibang paaralan.

 Kasabay nito, ipinahayag niya na ang temang “Unlocking the Future Through Sports”, na naglalayong ipakita ang sports bilang susi sa mas maliwanag na kinabukasan ng kabataan.  

Mahigit 10,718 student-athletes mula sa 18 rehiyon ang lumahok, na sinusuportahan ng Grassroots to Gold Program ng DepEd at PSC upang gabayan ang mga batang atleta mula sa school-based competitions hanggang sa international tournaments.

Aniya, pinalakas din ng pamahalaan ang School Sports Clubs at namahagi ng sports equipment sa mahigit 6,000 paaralan mula 2022 hanggang 2025.

 Ipinagmalaki nito ang mga tagumpay ng kabataang Pilipino sa ASEAN School Games, world youth table tennis, taekwondo, at regional swimming tournaments, na patunay ng kanilang kakayahan sa pandaigdigang entablado.  

Binigyang-diin ni Lagdameo ang kahalagahan ng sportsmanship, humility, at respeto, at pinaalalahanan ang mga atleta na ituring ang bawat laban bilang pagkakataon upang matuto at magbigay-inspirasyon.

 Sa kanyang mensahe, iginiit niya na ang sports ay hindi lamang pisikal na lakas kundi isang mabisang paraan upang patatagin ang karakter ng kabataan at ihanda sila para sa mas matibay na kinabukasan.