Ipinaliwanag ni dating Cagayan de Oro City Mayor at abogado na si Atty. Oscar Moreno ang legal na mga isyung bumabalot sa kontrobersyal na korporasyong Calle 88 sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa legal analysis ni Moreno, bagama’t napatunayan ng depensa na rehistrado sa Department of Trade and Industry at Board of Investments ang naturang kompanya, ang malaking tanong ay nakatuon sa pagmamay-ari nito sa ilalim ng batas sa kasal.
Nilinaw ng dating alkalde na sa ilalim ng Absolute Community of Property regime para sa mga ikinasal matapos ang Pebrero 1987, awtomatikong itinuturing ng batas na co-owner ng Calle 88 ang bise presidente kahit si Atty. Manases Carpio lamang ang nakarehistro rito.
Dagdag ni Moreno, ang paglilipat ng ownership ng naturang kompanya sa ibang tao ay epektibo sa ilalim ng Corporation Code kung walang regulatory restriction, ngunit nakadepende pa rin ito sa mga kondisyon ng permit o insentibong ibinigay ng DTI at BOI.











