Photos from PRO-10 (Maigo Police Station)

CAGAYAN DE ORO CITY – Abo na nang matagpuan ng mga pulis ang bangkay ng 2-anyos na bata na sinunog ng kalaguyo ng ina sa may Purok 7, Segapod, Maigo Lanao del Norte kagabi.

Kinilala ang biktima na si Romnick Balde na residente sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Maigo Police Station commander Police Lt Baltazar Deguilmo na nangyari ang krimen ng magalit ang suspek na si Florencio Curay sa ina ng bata na kaniyang kalaguyo dahil sa nawawalang pera nito na nagkakahalaga sa P12,000.00.

Aniya, binugbog ng suspek si Janet Balde at kinaladkad palabas ng videokehan kasama ang 2-anyos na anak nito.

Nakatakas ang ginang at nakapanghingi ng tulong sa kapitbahay ngunit naiwan ang kaniyang anak na siyang napabuntongan ng galit ng suspek.

Hindi nagdadalawang isip si Curay na sunugin ang bata kasama ang mga natutuyong dahon.

Si Maigo Police Station commander Police Lt Baltazar Deguilmo

Mahaharap sa kasong arson at murder in relation to RA 7610 o child abuse ang suspek.