CAGAYAN DE ORO CITY – Sugatan ang labing tatlong katao kabilang ang new born baby matapos araruhin ng wing van truck ang tatlong bahay sa Sitio Balaon, San Isidro, Talakag Bukidnon.

Sinabi ni PSSgt. Neilbrox Galve, imbestigador ng Talakag Municipal Police Station na nawalan ng preno ang truck at hindi na nakontrol ng driver kaya dumiretso sa tatlong bahay na pagmamay-ari ng magkakamag-anak na Sayatao.

Ayon kay Galve, nasa ligtas naman na kalagayan ang mga biktima at katunayan ay nakalabas na sa ospital ang ilan sa mga ito.

Aniya, kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injury at damage to property ang kakaharapin ng driver na si Ceasar Sundo Jr, 38, na pansamantalang nakakustudiya sa kanilang tanggapan kung walang mangyayaring amicable settlement.