CAGAYAN DE ORO CITY-Patay ang isang Public School Teacher matapos magtamo ng dalawang tama sa katawan at isa naman sa kanyang ulo nang barilin ng kanyang live-in partner sa San Isidro, Magsaysay, Misamis Oriental.

Kinilala ang biktima na si Daryl Joy Legaspi, 26-anyos at residente sa naturang lugar.

Sinabi ni Lt. Ramil Langala, hepe ng Magsaysay Municipal Police Station bago ang insidente ay may nangyayaring pag-aaway ng mag live-in partner at gusto na umanong makipaghiwalay ang babae.

Ayon kay Langala habang ininahatid ng biktima ang kanyang estudyante ay sinundan ito ng suspek at binaril gamit ang 9mm pistol.

Agad umanong tumakas ang suspek papalayo sa lugar ngunit naharang ito sa checkpoint sa bandang Caraga region at hinabol ng mga pulis, ilang minuto ay huminto rin ito ngunit biglang umalingawngaw ang putok ng baril.

Nakita na lamang ang negosyante na si Noel Sabalo, 59-anyos sa loob ng kanyang sasakyan na may tama na sa ulo.

Napag-alaman rin na ang baril na ginamit pagpatay sa guro ay siya ring ginamit pagpatay sa nasabing suspek.