Kinondena ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong ang umano’y ilegal na paglilipat at pagdelegar ng mga tungkulin at pondo ng Office of the Vice President (OVP) sa ibang mga tauhan.

Ayon kay Adiong, batay sa testimonya ni Ms. Gina Acosta, ang paglilipat ng ₱125 milyon na pondo kay Col. Lachica ay hindi sariling desisyon ni Acosta kundi direktang utos mula sa Bise Presidente.

Ipinaliwanag ng mambabatas na bilang isang abogado, dapat alam ng Bise Presidente ang umiiral na batas na nagbabawal sa basta-basta na paglilipat ng mandato at awtoridad ng isang opisina sa ibang tao.

Dagdag pa niya, anumang pagbibigay ng tungkulin ay dapat nakabatay sa itinakdang mga polisiya at regulasyon ng ahensya upang maiwasan ang paglabag sa legal na proseso.

Binanggit din ni Adiong na ang naturang aksyon ay nagpapakita ng kakulangan ng paggalang sa mga umiiral na batas na namamahala sa tamang paggamit ng pondo ng gobyerno.

Dahil dito, ipinahayag ng kongresista ang kanyang paninindigan hinggil sa accountability at transparency sa pamamahala ng naturang malaking pondo ng bansa.